
Bata palang ako, madalas na ko ma-amaze sa mga doktor at narses noon...parang naiimagine ko ang sarili ko na naka-puti din kapag napapadaan at napapadalaw kami ng nanay ko sa loob ng ospital.
Pangarap lang yun, kasi alam ko naman na wala kami pera at mahal ang gastusin mag aral ng mga ganung kurso sa kolehiyo.
Pero tinupad ng Nanay ko ang pangarap kong yon. Nakipag sapalaran siya noon sa gitnang silangan at pinatapos ako ng pag aaral sa kursong napili ko. Isa na akong Therapist. Isa nang kasama sa team ng mga propesyunal na may misyon na tumulong manggamot ng mga may karamdaman...
Halos kalahati ng buhay ko ata ay nagugol ko na sa loob ng ospital. Mula nun mag aaral pa lang ako, nun mag internship, nung mag training. At ngayong nagta-trabaho na. Hindi ko naiimagine ang buhay ko sa ibang karera.
Ito ang ginusto ko noon, ito ang pinaghirapan ng Nanay kong ipatapos sa akin, kaya naman pinilit ko itong tapusin.
At kaya ko sabihin ng diretsahan kahit kanino na mahal ko ang trabaho ko. Masaya ako sa ginagawa ko. Alam ko maraming iba sa atin ang hindi ganito. Maituturing ko na masuwerte ako. Hindi ko alam kung darating din ako sa puntong mabubuwisit at maiirita na ko sa trabahong araw araw kong ginagawa.
Wag naman sana muna.
Pero hindi din naman lahat e masaya, siyempre meron din mga pagkakataon na mabigat sa kalooban ko ang ibang parte ng trabaho ko.
Madalas kasi sa loob ng ICU ako kailangan. Kritekal ang mga pasyente na mina-manage ko. Of course katulong at may direktiba ng doctor.
Mga comotose, mga 50/50 na halos ang chance mabuhay, mga pasyenteng nakaasa nalang sa mga makinang pang-hinga (ventilators/life support) at gamot na pampatibok ng puso.
People die here all the time sabi nga ng ibang kaibigan ko. Kaya naman siguro madaming tao ang ayaw sa ospital. They could smell death.
May mga pagkakataon na pinapayuhan nalang ang mga kamag anak na iuwi nalang nila or ipa-stop na ang life support ng pasyente.
Alam ko mahirap na desisyon ang kailangan nilang gawin. Kung ako man ang nasa kanilang kalagayan ay mag aagam-agam din ako. Pero minsan kasi, kahit nagawa na at naibigay na natin ang lahat, pero kapag wala pa rin, wala na talaga tayo magagawa kundi ang ipasa-diyos na lang ang lahat.
Isinasaalang-alang din dito ang lumulobong gastusin. Hindi biro ang gastusin sa mga ganitong kondisyon lalo't balewala na rin naman ang lahat...
Nakakalungkot din ito sa parte ko na somehow naging familiar na ako sa pasyenteng hinahandle ko...yun iba pa nga sa kanila inaabot ng ilang buwan sa care namin...
Naiintindihan ko na wala halos may gusto na mag volunteer sa pamilya ng patient. Sino nga naman ba ang may gusto na ikaw ang pipindot ng makina na eventually e papatay sa mahal nila sa buhay di ba?
Ako ang kailangan magturo sa isang miyembro ng pamilya kung paano at saan ang dapat niya pindutin sa ventilator...
Hindi ko gusto ang sitwasyon na ganito...mahirap...nakaka-guilty...
"Mam, oras na po...lapit kayo dito...ito po ang pipindutin nyo..."
"Alin dito?" saka siya muling titingin sa akin at sasabihin:
"Hindi ko kaya...hindi ko pala kaya (titingin sa mga kasama niya parang sumasaklolo)...please ikaw nalang ang mag turn off for me" sabay hikbi at akap sa iba pa niyang kapamilya.
Nalalagay ako sa ganyang alanganing sitwasyon. May nagba-back out. Hindi na ito bago sa akin...Titingin ako sa doktor na katabi ko at tatango lang siya akin.
Wala ako choice kundi gawin ang inaatas sa akin. Hihinga lang ako ng malalim at saka i-press ang power off ng makina. Pagkatapos ay maririnig ang biglaang pagtigil ng kanina lamang ay tumutunog at umiilaw na ventilator.
Katahimikan. Parang nakakabingi...
Lahat ay nakatingin sa taong nasa kama sa gitna naming lahat...unti-unting tumitigil ang kanyang paghinga...parang nauupos na kandila...
hanggang sa tuluyan ng pumanatag ang kanyang dibdib...
hanggang sa wala na kaming maaninag na buhay mula sa knya...
Ang tangi mo lamang maririnig ay nag natutunugan na monitors sa paligid...mag flatline na rin ang tracing ng heart rate...
Saka mo maririnig ang malalakas na hikbi na nagli-lead sa histerikal na iyak ng mga kamag anak...
Wala na siya...sambit ng ilan.
May mga nagdadasal...may mga humihingi ng tawad na dumating sila sa ganun sitwasyon na itigil na ang life support...
Sa mga oras na ito ako lumalayo...dito sa mga oras na ito ako nagdadasal...hindi ko gusto ang ganitong klase ng iyakan...nakakadala...nakakaantig ng puso.
Halos kalahati ng buhay ko ay nagugol sa loob ng ospital...
Pero hanggang ngayon, nakikipag laban pa din ako sa kalooban ko na wag maantig sa mga nagdadalamhating puso ng mga mauulila mula sa mga pasyenteng inalagaan ko at sinubukang muling mabuhay ngunit nabigo pa rin sa huli...