Showing posts with label series. Show all posts
Showing posts with label series. Show all posts

January 18, 2011

Ito Ang Simula 1: Ang Aking Kabataan


Ito ang simula, simula ng buhay ko, simula ng lahat, nais ko ibahagi sa inyo ang aking kabataan, ang aking pamilya, ang malayong loob ko sa aking ama, ang aking buong pagkatao (di naman lahat!slight lang!) Ito ang serye ng aking buhay, sana ay subaybayan nyo ang kada labas (parang pang primetime bida lang a!), at nawa'y masundan ko ng kasunod kapag may time ako!LOL

Ito na ang marahil ang pinaka personal post ko ever. Samahan nyo akong balikan, makiiyak at makitawa sa simula ng aking buhay. FYI: di pa ako mamatay! LOL

Ito ang tunay na ako...ito ang mukha sa likod ni Maccallister...

**********

Lumaki ako sa probinsya ng Laguna, dalawa lang kami magkapatid, isang lalake at isang babae, sabi ng Nanay ko, tama na ang dalawa, kasi naka babae at lalake na siya, dun naman sya maling-mali! Gurl din ako noh! LOL

Hindi kami mayaman, tama lang kumbaga, di kami nagugutom. Naalala ko pa nung anim na taon ata ako nun, pinapasan ako ng Tatay ko nun, ilalagay nya ako sa knyang mga balikat habang papunta sa bahay ng mga lola ko. Siya din ang nagturo sakin pano isulat ang buo kong pangalan, napakalinaw pa nito sa aking isipan hanggang ngyon. Para sa kanya ako ang kanyang nag iisang anak na lalake. Unico-hijo. (hija po...LOL) May pagmamalake nyang sabi sa mga kumpare nya non.

Nag abroad ang tatay ko para matugunan ang pangangailangan namin sa araw araw, nahihiya na sila umasa sa aking mga lolo ng tulong pinansyal. Nag Saudi siya. Grade 2 ako nun una kong maramdaman na may kakaiba sa akin. Hindi ko mainti-intindihan kung bakit hirap na hirap ako makihalubilo sa mga kaklase kong lalake! Taena, kahit anong pilit ko di ako maka-blend in.

Sa mga babae ko nahanap ang kasiyahan ng paglalaro...chinese garter, jumping rope, bahay-bahayan (enjoy ako sa luto-lutuan!) at ang pinakamalala: paper dolls! siyet! ang galing ko mag design ng mga damit nila nun infairness! kala ko nga magiging fashion designer ako e!

Tandang tanda ko pa, magtatago ako sa room ko para lang makapag laro nito, ayaw ko makita ng Nanay ko, siguradong papagalitan nya ko. Naka-lock ang pinto, kahit pawis na pawis ako, go lang, di kasi pwde buksan ang bentilador, liliparin ang mga damit! Inilalakad ko si manika'ng papel ko suot ang kanyang casual wear! LOL

Tuwing magbabakasyon ang Tatay ko, nagtatanung siya kung sino daw ba ang crush ko sa school, kung naglalaro ba daw ako ng basketball (hello, ok ka lang? manika ang type ko noh! gusto ko isagot sa knya non) pero mahiyain ako, mejo takot ako sa knya nun.

Nagsisimula na din ako tuksuhin ng mga kalaro ko ng "Bakla! Bakla!" galit na galit ako dati, ang sakit pala kapag tinutukso ka ng ganun. Para akong nabubuhay para tuksuhin at laitin ng mga kalaro.

Gusto ko umiyak at tirisin silang lahat.

Kapag nagsusumbong ako, sasabihin nila, suntukin mo kasi kapag tinukso ka. Sana kaya ko, naisip ko. Pero di ko kaya, wala akong lakas ng loob para upakan ang mga hudas na bata'ng yun. Mahirap ang kalagayan ko ng aking kabataan, di ko alam bakit ako ganun. Di ko alam pano sila titigil sa panunukso.

God knows, gusto ko maging normal. Pero bullshit talaga, kahit anong gawin ko, talagang di ko mapilit na maging kagaya ng kapwa ko lalake. Dusa din sakin kapag boyscout at girlscout season na. Hate na hate ko yun camping, kasama puro lalake, nasa sulok lang ako lagi. Taena!sino ba kasi nag inbento nun!

Maganda din lagi ang mga notebook at pencil case at iba pang gamit ko sa school nun, kasi nga nasa abroad si tatay. Angat ako sa klase. Sa Sm makati pa kami namimili ng gamit kada pasukan, mula pa kami sa Laguna nun ha! kasi dun palang ang pinaka malapit na Sm! naiisip ko ngayon, ang tiyaga ng Nanay ko bitbitin kaming maliit na magkapatid sa layong yun! E ilang jeep transfer at oras din yun ha!

Gala din tiyak ang ang nanay ko! Ever!

Grade 5 ako nun mapansin ng aking guro na magaling ako sa klase, bright ako sa section namin. Kasi section 3 ako! LOL. Lagi ako nasa row 1. Magaling din ako magbasa at mag pronounce ng english. Naging first honor ako buong taon sa aming pampublikong paaralan. Dun unti unting nabuo ang self-confidence ko. Proud na proud Nanay ko nun recognition day nung sinabitan nya ako ng ribbon. Nagpa-pansit siya nun hapon. Ramdam ko mahal ako ng nanay ko.

Grade 6 ako nun nagdesisyon ang tatay ko mag quit na sa pagsa-saudi nya. Di ko alam ang dahilan. Ang dating maginhawa naming buhay, napalitan ng pag hihirap, lagi kami kinakapos sa gastusin. Di na ako makabili ng magagandang gamit. Baon ko pahirapan pa hingin. Ito ang lowest point sa buhay ko.

Dito din nag umpisa ang kalbaryo ko sa piling ng aking Ama. Nahahalata na nya ng mga panohang ito na...ba-bakla-bakla ako! LOL

Kapag nakita nya na nanonood ako ng The Sharon Cuneta show imbes na PBA, mag papasaring siya ng mga nakakainsultong salita gaya nito..."hay naku ang anak ko...showbiz na showbiz... sharon cuneta....ay nakuuuuu...." mag totonong bakla siya dito.

Galit na galit ang kalooban ko nito. Madami pa siya'ng insulto'ng sinasabi nun kabataan ko. Tinitiis ko lang. Kasi tatay ko siya. Madalas kapag naglalaro ako kasama ang mga batang babae, madalas hihiyain nya ako sa harap nila. Iiyak ako at uuwi ng bahay.

Bawat pilantik ng mga daliri ko kapag hawak ang kutsara at tinidor, bawat oras na nahuli nyang nakapameywang ako, bawat oras na nakita nya ang mga kasing edad ko na lalake na naglalaro ng basketball sa may tabi ng bahay namin...lahat yun may katumbas na insulto... tumatagos yun sa kalooban ko...masakit...ramdam ko kung gano siya ka disappointed sa akin...kung gano siya nahihiya na ang unico-hijo nya ay nagiging isang bakla...

Galit na galit ako. Dumating sa puntong sinusumpa ko siya. Hinihiling na sana mamatay na siya ng maaga at ng matahimik na ang bahay namin. Pero lahat yun di dininig...ilang beses akong naiyak sa gabi, nakatalukbong ng kumot...naiisip na magpakamatay...o kaya maglayas....andami dami kong naiisip na gawin...

Pero di ko kaya. Duwag nga ata talaga ako.

Isang beses na kumakain kaming mag anak, aksidenteng natalsikan ko ng sabaw ang nanay ko pagkasandok ko ng ulam, pinagalitan ako ng nanay ko: "ano ba,dahan dahan nga ang pagsandok..."

Sumagot ang tatay ko "e kasi babakla-bakla ka na naman..."

Di ako nakatiis, sinagot ko siya ng pabalang "nagsandok lang ako, bakla na???!" tumayo siya at sa bilis ng pangyayari, nakita ko nalang ang sarili kong mukha na nakasubsob sa platong kinakain ko. Dinuldol nya ang mukha ko sa plato. Galit na galit siya sa akin. Umiyak ako at tumakbo sa kwarto ko na nanlalagkit at may kanin sa mukha. Narinig ko na lang na nag away sila ng nanay ko.

Nag abroad ang nanay ko pagkalipas ng ilang taon, di na niya kaya ang mahirap naming sitwasyon. Walang pera, may tatay ka pang walang hiya.

Araw-araw nag aaway ata kami, natuto ako sumagot at lumaban, nawala respeto ko sa knya. Ang tagal ko nag tiis, binalewala ang mga turok sa kalooban ko tuwing pagsasalitan at hihiyain nya ko. Mas matindi kapag nakakainom siya.

Nagiging dimonyo siya kapag nakakainom. Ako lang ang nakikita nya. Lahat ng masasakit na salita na kaya niya ibato sakin ginawa nya. Kapag di ka umimik, ipo-provoke ka niyang sumagot, at kapag sumagot ka na, may dahilan na siya para saktan ako, babatukan nya ko, hahampasin ng kung ano man, pero di nya ako sinusuntok...ewan ko kung bakit.

Isang beses, nilabanan ko siya, tunulak ko siya, natumba siya, umusok siya sa galit, natakot ako, tumakbo ako...dumating ang tiyahin ko nun marinig ang malakas na sigawan sa bahay namin. Rinig na rinig ng mga kapitbahay ang pagwawala ng tatay kong hayop...

Yumakap ako sa tiyahin ko ng mahigpit, takot na takot ako...hinihila ako ng aking ama palayo sa tiyahin ko, ang lulutong ng mura nya... hinihila nya ko palabas ng pinto...

"Putang ina mo...tang ina mo, halika dito, bumitaw ka diyan! wag ka makialam dito!( sabi nya sa tita ko) Pinagtatanggol ako ng tita ko, naririnig kong sinasabihan nyang tumigil na tatay ko, na bata lang ako at wag niya pag diskitahan...

Walang tigil ang pag iyak ko. Hagulgol...saka ko lang narealized na hinihila nya pala ako palabas ng bahay...nun makabitaw ako sa tita ko, kinakadlad nya ako, halos mag dugo ang tuhod at siko ko sa bilis ng paghila nya....

"Putang ina ka, lumayas ka! Di kita kailangan!!!" sigaw niya. Nakita ko pinag titinginan ako ng mga kapitbahay namin. Awang awa ako sa sarili ko...