"Anak, nakabili na ko ng ticket! Nasa akin na"
Masayang balita sa akin ni Nanay sa text. Agad ko siya tinawagan at kinausap. Gusto ko marinig mismo sa boses nya. Masaya si Nanay, finally tuloy na tuloy na talaga. Kahapon ay pinadalhan ko siya ng pambili ng plane ticket mula dubai pauwi ng pinas. Four years na siyang hindi nakakauwi kaya naman ganun nalang ang tuwa ng aking Ina.
Masaya ako at nagawa ko siyang mapasaya.
Parang kailan lang ni hindi ko magawang bumili ng sapatos. Nun high school halos lumuwa na ang paa ko sa pagkakasira ng suot kong mumurahing sapatos noon. Nilalagyan lang ni Nanay ng rugby at nakailang balik na rin sa pagawaan ng sapatos sa palengke ang kawawang shoes ko.
Ayoko nang bumalik kami sa ganung buhay. Ang hirap. Ang hirap ng naghihikahos. Hindi mo mabili ang gusto mo. Awang awa ako sa sarili ko nun. Mahirap maging bakla na poorita. Alam nyo yan. Charot. hahaha.
Pano ka makikipagdate? paano ka kakain sa restaurant? paano ang sine? paano ang pang motel?at higit sa lahat paano ka poporma?nakakaawa ang baklang baduy at chipipay. charot. naalala ko pa ang pekeng wrangler jeans ko at lacoste poloshirt. lahat galing palengke.
Halos once a year lang kami makakain sa Jollibee, iyon ay kapag naisasama lang kami ng aming tiyahin na medyo may kaya noon. Tapos inuuwi ko pa yun kutsara at cup ng sundae kasing tuwang tuwa kaming magkatid dun.
Halos magkandakuba si Nanay sa pagtitindi sa aming naluluging karinderya noon. Wala na sa abroad ang tatay ko nun. Out of the blue nagdecide siyang wag na mag abroad muli. Ni walang ipon. Ni walang kahit ano. Si Nanay ang umako ng responsibilidad. Kita ko ang paghihirap niya na may mailagay na pagkain sa aming hapag kainan.
Naranasan ko na mag ulam ng toyo dahil isang araw halos walang natira sa maghapong pagtitinda ni Nanay kulang pa pang bayad sa utang sa 5-6.
Bata palang pangarap ko ng makapag abroad. Pangarap nang makatulong sa Nanay ko. OO puro nanay ko nasa isip ko nun. Masyado akong maka Nanay :-)
Ikinagulat ko ang pagdedesisyon ni Nanay na mag DH sa middle east noong makatapos ako ng high school. Gusto daw nya akong mag kolehiyo. Para daw matupad ko pangarap ko. Sobrang lungkot ko nun umalis siya. Emptiness ang nararamdaman ko nun...ang hirap nun nasanay kang lagi mo nakikita Nanay mo tapos biglang mawawala...
Iniisip ko ang sitwasyon nya dun. DH. Hindi madaling mag DH...alam ko yun. Awang awa ako sa knya. After 2 years umuwi siya at nag transfer sa dubai kasama ang kapatid nya. Si Tito Ed. Finally naging OK na ang work niya dun. Hindi na siya DH. Sa opisina na siya nagwowork. Nairaos niya ang pag aaral ko sa buong kolehiyo. Nakakasama namin siya every 2 years.
Si Tito Ed, malakas kumita sa trabaho nya. Nagplano siyang isama na sa dubai ang asawa at nag iisa niyang anak. Nagloan siya ng malaki sa bangko. Kumuha ng maayos na mauupahang bahay. Bili ng bagong kotse. Inenrol sa maayos na school ang anak. Pero hindi nagustuhan ng asawa nya ang buhay sa dubai. Nagpilit itong umuwi kasama ang anak nila. Nabalewala ang lahat ng ginastos ni tito ED para sa pamilya niya.
May nakaalitan siya sa trabaho. Siniraan. Hanggang sa matanggal at tuluyang nawalan ng pag asa. Nagpasya siyang umuwi nalang ng Pilipinas. Nag empake. Tumungo sa airport.
Pero nagkaproblema siya. Naisend na pala ng bangko na inutangan niya ang hold departure memo sa officials ng paliparan. Hinuli at ikinulong si Tito Ed. Hindi ka kasi makakaalis ng Dubai kapag may utang kang malaki sa bangko. Akala nya ay wala siyang magiging problema sa loan nya. Pero nagkamali siya.
Dahil takot na takot at hindi alam ang gagawin. Tinawagan niya ang aking Ina. Dali dali na tumungo sa kulangan si Nanay. Awang awa sa kanyang bunsong kapatid na nasa likod ng rehas. Maski siya ay hindi alam ang gagawin. Kung kanikaninong kakilala humingi ng tulong, halos matuliro si Nanay.
Hindi sapat ang perang hawak niya mula sa mga kaibigang pinoy pampiyansa sa kapatid na nakakulong sa middle east. Iisa nalang ang naisip nya nun mga panahong yun. Mag cash advance sa limang credit cards niya. Hindi pa niya naiisip na lolobo ng ganun kalaki ang interes ng mga hiniram nya.
Nailabas nya ng kulangan si Tito Ed. Pero wala na itong trabaho at nakaasa pa din sa kanya.
2010...nag umpisa ang recession sa dubai...marami ang nawalan ng trabaho. Maraming pinoy ang napilitang umuwi nalang.
Si nanay inalok ng kumpanya na mag stay pero babawasan ng kalati ang sinasahod or umuwi nalang. Pikit matang tinanggap ni Nanay ang pag stay sa office. Hindi niya maaring iwan ang uncle ko. At gaya niya, hindi na rin makakauwi ang aking Ina. Hindi na rin nya kaya bayaran ang hulog sa mga credit card na inutangan niya. For sure maho-hold na rin siya sa airport...
Muli. Awang awa ako sa kalagayan ng Nanay ko. Gusto ko magalit at sumbatan si Tito Ed...matanda na ang Nanay ko pero bakit kelangan pa niya danasin ang ganung problema. Akala ko ay tapos na si Nanay sa mga ganitong problema. Gusto ko siya sisihin na dahil sa knya hindi makauwi si Nanay dahil sa pagkakaroon ng ganito kalaking utang sa bangko. Dahil sa knya hindi nakakapiling ng Nanay ko ang kanyang mga apo mula sa aking kapatid.
Last year...Kahit nasa abroad na ako ay di sapat ang aking kinikita para bayaran ang lahat ng utang ni Nanay...sabay pa nito ay nagka cancer ang aking bayaw...worried ako sa paghahanap ng extra pera para sa pagtulong sa aking kapatid sa pinas...at ang pag aalala sa aking ina sa dubai na baka hindi na kumakain ng tama mula sa pagbabayad ng utang at sa kakarampot na natitira sa kanyang sinasahod.
Ngayon ko lang ito na-share pero grabe ang mga pagsubok na dumating sa aming pamilya, buti na lamang at sagana ang overtime ko last year, halos araw araw 12 hours ang shift ko sa hospital...nakakapag padala ako sa pinas at sa dubai ng mga pangangailangan nila...may paraan ang Diyos. Nakakatuwa alam niyang hindi kakasya ang sahod ko noon pero tumulong Siya sa akin :-)
This year, buwan ng Marso, dumating ang matagal ko ng inaasahan...ang aking promotion. Itinaas ang aking sweldo ng doble at mga benefits. Sobra ko itong ikinatuwa at ng aking Ina. Ito ang sagot sa problema namin.
Buwan ng Hunyo, binayaran ko ang lahat ng pagkakautang niya...oo mabigat sa bulsa, pero para ito sa aking Ina, para sa peace of mind naming dalawa. Nun naibalita niya sa akin na utang free na siya ay ibang gaan ng kalooban ang nadama ko. Ang sarap ng feeling. Ang sarap ng feeling na finally ito na, tuloy na tuloy na ang pag uwi ni Nanay sa Pinas. Sa pamilya niya, sa mga apo niya. Sa amin na sabik na siyang makasama muli.
Four years. Its a long time.
"Pumunta ako ng office ng airline kanina at binayaran ko na yung ticket....nasa akin na" sagot ni nanay nun kausap ko siya sa telepono. Medyo mahal ang plane ticket niya sa Emirates Airlines pero ok lang sa akin, kaya ko naman bawiin yun sa pag kayod dito. Mabenta pa naman ang beauty ko. Charot. hahaha
Sabay kaming uuwi ng Pilipinas sa Nobyembre. May ilang buwan pa pero excited na kaming pareho. Muli, mabubuo kaming mag anak. Dadalhin ko siya sa Boracay. Alam kong ikasisiya niya na makapunta dun. Cancer free din ngayon ang aking bayaw. Andaming blessings.
Minsan napapangiti ako mag isa. Parang kailan lang, parang wala ng sagot sa problemang kay bigat...Sino ba naman mag aakala na makakaya ko bayaran ang pagkakautang niya. Sino bang mag aakala na kaya ko na siya ibili ng Plane ticket sa isang disenteng airline company. Sino bang mag aakala na unti unti na umaayos ang lahat.
Parang kailan lang, halos lumabas na ang paa ko sa malaking sira ng suot kong mumurahing sapatos :-)